Sta. Lucia High School 

# 30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City 

 

 

 

 

 

Ang mga Kaibigan ni Mama Susan 

 

 

 

 

ni Bob Ong 

Visprint Publishing Inc, 2010 

 

 

 

 

 

 

Isang Suring-Aklat(Book-Review) na iniharap kay G. Danilo P. Agpaoa, LPT Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik 

 

 

 

 

 

  

Ipinasa ni: Carl Cyrus C. Ca-adan  

G11 - STEM 2 

Enero, 2025 

  1. I. PANIMULA 

 

A. Pamagat 

“Ang mga Kaibigan ni Mama Susan” isang pamagat na nakakapukaw sa ating isipan. Kapag nabasa mo ang pamagat hindi mo iisipin na isa itong horror, sapagkat kung pakinggan ay parang masaya o trahedyang kuwento ito tungkol sa pinagdaanan nila Mama Susan at ng kanyang mga kaibigan.  

 

Habang nag hahanap ako nang maaaring basahin para sa aking suriing-aklat ay napukaw ang aking atensyon sa librong ito at nakabuo ako nang ilang katanungan sa aking isipan. Anong meron sa kaibigan ni Mama Susan? Sino kaya si Mama Susan? Bakit kaya ang kaibigan ni Mama Susan ang pokus sa pamagat at hindi siya? Habang nagbabasa ako ay unti-unting nasasagot ang aking mga katanungan ngunit napapalitan ito ng mga bago.  

 

Kung ako ang tatanungin ay pamamagatan ko nalang itong “Ang mga Kababalaghan ni Mama Susan”, ngunit nakapalibot lamang kay Mama Susan ang mga pangyayaring kababalaghan. Walang mga kuwento tungkol sa mga kaibigan ni Mama Susan. Kumbaga ang pamagat ng libro ay hindi literal na tungkol sa kaibigan ni Mama Susan, ngunit konektado ito sa mga kababalaghan na nagaganap sa kuwento. 

 

B. Uri ng Panitikan at Genre 

Ang uri ng panitikan ng libro na “Ang mga Kaibigan ni Mama Susan” ay isang nobela. Nasabi ko na ito ay nobela, sapagkat nilalaman ito ng maraming tauhan, mayroon din sila kanya-kanyang gampanin at maayos na binuo ang mga backstory ng bawat karakter sa istorya. Ginanap din ang mga pangyayari sa libro sa iba’t ibang tagpuan, upang mapalawak pa ang kuwento at magbalik-tanaw sa madilim na nakaraan ni Mama Susan. Nakasaad nadin sa Google na isa itong misteryong nobela.   

 

Ang genre naman ng libro ay horror, suspens, at thriller. Kaya siya naging horror sapagkat ipinapakita sa libro na konektado si Mama Susan sa mga kababalaghan at mga masasamang espiritu sa kanilang nayon. Ibinunyag din sa kuwento na isa palang lider ng kulto si Mama Susan na nakadagdag sa suspens. Ang tahanan ni Mama Susan ay puno ng mga rebulto na nakadadagdag din sa takot kung iisipin, dahil hindi kaaya aya tignan ang mga rebulto na nangingitim na o kaya ay walang ulo. Mas nakakatakot pa dahil nasa tirahan ka nang isang lider ng kultong hindi naniniwala sa Katoliko. Lahat nang ito ay mabisang panakot para sa mga nagbabasa. Isa pang nakadadagdag ng suspens at thriller ay kung paano si Galo magsulat sa kanyang talaarawan. Nakakapangilabot ang pagsasalaysay sa mga pangyayari at marami ring misteryoso sa bahay ni Mama Susan. 

 

Ang paraan ng paglalarawan ni Galo sa kanyang talaarawan ay detalyado at kung gagamitin ng imahinasyon ay tiyak na tataas ang balahibo mo. Pinapaasa ka na mayroong mangyayari na nakakatakot habang ikaw ay nagbabasa. Sa simula ng kuwento ay aakalain mo na wala namang nangyayari, at hindi naman nakakatakot ang istorya pero pag dating sa dulo ay magugulat ka nalang sa biglang pagbabago. 

 

C. Pagkilala sa May-akda 

Si Bob Ong ay isang kontemporaryong Pilipinong manunulat na kilala sa paggamit ng impormal na Filipino sa paggawa ng nakakatawa at sumasalaming paglalarawan sa buhay bilang isang Pilipino. Ang Bob Ong ay kaniya lamang sagisag-panulat at walang nakaaalam ng kaniyang tunay na pagkakikilanlan. Marami na siyang nailathala na libro gaya ng ABNKKBSNPLAko?!, Kapitan Sino, Bakit Baliktad Magbasa ang mga Pilipino, at iba pa. Marami rin sa libro nya ang nagkaroon na ng pagsasalin upang gawing pelikula at ipalabas sa sinehan. Ang librong “Ang mga Kaibigan ni Mama Susan” ay pangwalo na niya naisulat na libro at kauna-unahang horror/suspens na isinulat niya. 

Ang sagisag panulat na “Bob Ong” ay nabuo noong mga panahon na ang manunulat ay nagtatrabaho bilang isang web developer at guro. Nilikha niya ang Bobong Pinoy website na kanyang inaatupag sa mga libre niyan oras. "Kahit nabilib," ayon kay Bob Ong, "marahil ay sinesante na ako ng boss ko kung nalaman niya na ako ang nasa likod ng paglikha ng website." 

 

Nabuo ang kanyang sagisag panulat nang may isang taong nakipag-ugnayan sa kanya sa pag-aakalang siya ay totoong taong nagngangalang Bob Ong. Ang site ay nakatanggap ng People's Choice Philippine Web Award for Weird or Humor noong 1998, ngunit ito ay isinara noong pinatalsik sa pwesto ang dating Pangulong Joseph Estrada matapos ang Second People Power Revolution. 

 

  1. II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN 

 

A. Tema / Paksa 

Ang nobelang “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan” ni Bob Ong ay tungkol kay Galo, isang 16 anyos na probinsiyanong nag-aaral sa Maynila. Bumalik siya sa probinsya dahil  nagsakit ang kanyang lola na si Mama Susan. Doon ay nalaman din niya na lider ng isang kulto si Mama Susan. Gumagawa sila ng mga ritual at nagdadasal habang nagsasalita ng Latin. May binanggit din si Mama Susan na sinasabing  kaibigan na hindi nakikita ng ordinaryong tao.  

 

Ang tema ng kuwento ay nilalaman ng mga supernatural at kababalaghan. Napapaloob ito sa supernatural, sapagkat ang kuwento ay may mga nilalang gaya ng multo na hindi makatotohanan. Nasabi ko rin na kababalaghan ito, ngunit sumusunod ito sa mga pamahiin o pinaniniwalaan ng mga Pilipino. Ang mga multo ay isa sa mga folklore o kaya sa tagalog ay kuwentong bayan ng ating bansa. Ang mga kuwentong bayan ay nagpapakita ng mga kaugalian, paniniwala, karanasan, at karunungan ng mga taong kabilang sa isang kalinangan, subkultura, o pangkat. 

B. Mga Tauhan, Tagpuan, at Panahon 

 

Mga Tauhan: 

 Galo – Isang tipikal na 16 taong gulang na probinsiyano. Siya ay lumuwas sa Maynila para mag-aral at naninirahan sa piling ng kanyang mga tiyo at tiya. Siya ay ulila, namatay ang kanyang tatay at ina sa simula ng kuwento. Ang kanyang tunay na pangalan ay “Gilberto P. Manansala” ngunit pinaikli nalamang ito 

 

 Tiya Auring – Ang tagapangalaga ni Galo na kapatid ng kanyang ina. Siya ay may apat na anak na sina Jeng, Ariel, Sheryl, at Julius. Madalas inuutus-utusan si Galo at palagi rin sumisigaw dahil sa galit pag pinagsasabihan ang kanyang mga anak, kapag inuutusan si Galo o kaya kapag nag-aaway sila ni Tiyo Dindo. 

 

 Tiyo Dindo – Ang asawa ni Tiya Auring na sikretong tinutulungan si Galo sa pagbabayad ng tuition para sa kolehiyo, at hindi pinapaalam sa kanyang Tiya Auring. Mayroong atraso kay Tiya Auring dahil may babaeng pinangalanan na Nancy na madalas tumawag sa kanila. 

 

Aling Delia - Siya ang kanang kamay ni Mama Susan sa pamamahala at pagsasagawa nang mga ritual ng kulto nila. Siya ang nagalaga kay Mama Susan nang nagkasakit siya. 

 

 Mama Susan – Ang lola ni Galo at lider ng isang kulto sa kanilang probinsya. Pinapalibutan ng mga kababalaghan at hindi siya naniniwala sa Katoliko. Madalis mang sermon kila Galo at ang mga anak ni Tinay, at madalas din pabago-bago ang ugali at kalagayan ng kanyang isip. 

 Niko at Jezel - Sila ang mga anak ni Tinay na dati namang katu-katulong ng lola ni Galo. May alam sa kababalaghan na nagaganap kay Mama Susan. 


Mga Tagpuan: 

● Maynila (Kolehiyo) - Ito ang pinaka unang tagpuan sa istorya. Dito nagsimula ang pagsusulat ni Galo ng talaarawan niya para sa project niya kay Gng. Lao. Makikita natin sa libro ang tipikal na buhay ng isang estudyante sa Maynila mayroong barkada, lovelife, heartache, at cramming.  

● Bahay ni Tiya Auring – Dito siya pansamantalang naninirahan habang nag-aaral sa Maynila. Kinupkop lamang siya ng kapatid ng nanay niya sapagkat wala na ang kanyang mga magulang. Dito nagsimula ang panaginip ni Galo tungkol sa naka itim na babae. 

● Bahay ni Mama Susan – Ang dating bahay kung saan nanirahan si Galo kasama ang kanyang Ina. Hilig nya basahin ang mga koleksyon ng Reader’s Digest na libro ng kanyang lola, ngunit ngayon ay pinalitan na ng rebulto. Ito rin ang simbahan at kung saan binuburol ang mga patay ng Tarmanes. Dito karamihan nang istorya ginanap, sapagkat dito nagtitipon ang mga tao sa kanilang nayon kapag may dasal. 

Tarmanes (Probinsya) - Ito ang probinsya ng lola ni Galo. Lahat nang tao dito’y  hindi normal at may tinatagong sekreto. 

 

Mga Panahon: 

Ginanap ang simula nang istorya noong panahon ng pasukan sa   eskwelahan ng kolehiyo noong taong 1998. Pagdating naman sa gitna at dulong bahagi ng kuwento ay ginanap na ito noong 1999, sa Tarmanes probinsya ni Mama Susan, ang lola ni Galo. 

 

C. Estilo ng Pagkakasulat ng May-akda 

Ang estilo ng pagkakasulat ni Bob Ong sa kanyang librong “Ang mga Kaibigan ni Mama Susan” ay impormal. Kilala bilang manunulat si Bob Ong dahil sa impormal na pagkakasulat niya sa mga librong gawa niya. Kapag binabasa mo ay parang kinakausap ka lang ng karakter bilang kaibigan niya. Dito ay kinwento ni Galo sa atin ang kanyang istorya sa pamamagitan ng pagsusulat niya sa kanyang talaarawan. Dito ay nilalabas niya ang mga sama ng loob niya at mga magagandang pangyayari sa buhay niya. Kapag walang magawa si Galo ay ginagawa niyang pampalipas oras ang pagsusulat ng talambuhay niya. 

 

 Nakasulat din sa talaarawan ni Galo kung kailan ginanap ang mga kuwento niya tulad ng araw, taon, panahon, at oras ng mga pangyayari. Sa aking pagkakaintindi ay talambuhay na dokumentaryo ang nais gawin ni Bob Ong sa kanyang estilo ng pagsusulat. Nagustuhan ko ang estilo niya dahil magaling siya magsulat at nakakaaliw basahin. Maganda rin ang pagkakasunod nang kuwento hindi ito nakakalito madaling sundan kung ano ang nangyari o kaya ay mangyayari sa susunod. 

 

Pagdating sa bandang dulo ng istorya ay pinakita na may ginagawa nang masama ang mga tao doon sa bahay ni Mama Susan at siya na ang susunod na biktima. Nang malapit na siya mahuli nang mga sunod-sunuran ni Mama Susan ay isinusulat niya ang huli niyang nais sabihin at bigla may paulit-ulit nang salita at mga dasal na nakakapangilabot. Ang nais iparating ni Bob Ong dito  ay na nakuha na si Galo at parang tayo ang nakapulot ng talaarawan ni Galo at binasa natin. Habang binabasa natin ay bumungad dito ang mga masasamang kababalaghan ginanap sa bahay ni Mama Susan. Ang masasabi ko lang na hindi kagandahan ay pagdating kay Mama Susan, ngunit pag siya ang nagsasalita ay gumagamit siya nang malalalim na salita. Nahihirapan ako maka-relate o makaintindi ng istorya dahil wala ako maintindihan sa mga sermon ni Mama Susan. 

 

  1. III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN 

 

A. Kakintalan / Kaisipan 

Madami tayong mapupulot na aral sa aklat ni Bob Ong na “Ang mga Kaibigan ni Mama Susan”. Ang una kong napansin ay yung nakasulat sa pinakaunahan na parte ng libro. Ang sabi doon ay “huwag mong babasahin ang hindi mo naiintindihan”. Maaaring ang sinasabi nito ay wag ka makibahagi o makialam sa mga bagay na hindi mo naman naiintindihan, mapapahamak ka lang sa iyong ginagawa at maaaring madadamay pa ang mga tao sa iyong paligid. 

 

Pangalawang aral sa libro ay matutong makontento at mapasalamat sa kung ano ang mayroon ka. Si Galo na hindi nakontento sa buhay niya sa Maynila at naiinis sa kanyang tito, tita, mga pinsan, at buhay sa kolehiyo, ay umalis sa maynila at pumunta sa probinsya. Dahil doon, nalapit pa siya sa kapahamakan at nadamay pa sa mga masasamang gawain ng kulto ni Mama Susan. 

 

Ang pangatlong aral sa libro ay dapat matuto tayong harapin ang mga epekto ng ating mga desisyon at gawain. Hindi dapat natin ito takbuhan. Sinabi din ni Mama Susan na si Galo ay duwag at masamang tao. Sinabi niya na matagal na siyang pinapanood at binabantayan ng kanyang mgakaibigan” at habang nagbabago-bago ang kanyang boses, iniliaad ni  Mama Susan lahat ng kasalanan ni Galo at kung paano niya tinakasan ang mga ito. 

 

B. Kulturang Masasalamin 

 Ang kulturang masasalamin sa librong ito, ay ang buhay bilang isang pilipinong estudyante. Sa simula nang kuwento ay pinapakita rito ang buhay ng mga estudyante sa paaralan at sa tahanan. Kapag dating sa paaralan ay maraming mga gawain na kailangan ipasa sa guro. Minsan ay may mga guro rin na winawala ang aktibidad na pinasa ng mga estudyante at pinapaulit ito na para bang pinahihirapan pa ang estudyante dahil sa pagkakamali nila 

 

Pagdating naman sa tahanan ay palaging inuutusan ng mga magulang sa pag-alaga sa kapatid, o kaya ay pinabibili sa labas kahit na abala na ang estudyante sa dami nang pinapagawa sa eskwelahan. Masasalamin din natin dito ang pagiging mabait ng mga Pilipino na kapag may nangangailangan ay hindi nagdadalawang isip na tumulong. Mapagbigay rin ang mga Pilipino pagdating sa pagtulong sa pinansyal, pagkain, tirahan. gaya nalang ni Tiyo Dindo na tinutulungang paaralin si Galo gamit ang sariling pera 

 

Pinapakita rin dito ang pagiging relihiyoso/relihiyosa ng mga Pilipino. Gaya nang pagdadasal at pagsunod ng mga tao kay Mama Susan sa kanilang nayon, ay nagdadasal din tayo sa Diyos at nakikinig o sumusunod sa mga sermon ng ating pari. Binibigyang halaga natin ang ating relihiyon at ito ang tumutulong sa atin na humakbang paangat at ituloy ang laban sa buhay. Binibigyan tayo ng Diyos ng lakas upang magwagi sa ating mga pangarap. 

 

  1. IV. LAGOM 

Sa aklat na ito, ating papakialaman ang tala ng buhay ni Gilberto P. Manansala na mas kilala sa tawag na Galo. Nagsimula siyang magsulat ng kanyang diary bilang requirement niya para makapasa sa kurso kay Gng. Lao, ang araw ay linggo ika-27 ng Setyembre, 1998. Pinagpatuloy pa rin ni Galo ang pagsusulat kahit tapos na itong maipasa. Ikinwento nya ang kanyang mga araw sa bahay ng kanyang Tiyo. Pagdating nang huling araw ng Disyembre, 1998 may tumawag tungkol sa paguwi ni Galo sa probinsya kasi ibinalita na may sakit daw ang kanyang Iola. Ika-12 ng Enero, umalis siya sa bahay ng kanyang Tiya Auring ng walang paalam. 

  

Naglakbay siya papuntang Tarmanes kung saan siya binati ng kaniyang lolaPagdating ay laking gulat niya dahil ang mga dating hilig niya basahing libro ay wala na, at ang mga pumalit ay mga rebulto at imahe ng mga santo na halos kasing laki ang tao sa sukat. Sa gabi ay nakaririnig siya ng mga yabag ng paa, ngumunguyngoy at mga hikbi na parang umiiyak. Hanggang sa madiskubre niya na gawa Iang pala iyon nina Niko at Jezel, mga anak ni Tinay. Ibinunyag sa kuwento na may third eye si Jezel. Nasaksihan niya na rin ang tuwinang pagtitipon ng grupo ni Lola, nakasuot ng violet na baro na abot hanggang tuhodGinawang burulan ang bahay ni Mama Susan para sa buong nayon. Tinalikuran na ng  Katoliko ang simbahan doon dahil sa paglabag nito sa aral ng Kristiyanismo. Hindi nila kinikilala ang kapangyarihan ng gobyerno. Kaya ang "Kapatiran" na ang naging kaagapay ng mga tao. Ang bahay ni Mama Susan ang naging sentro nito na tinuturing na nilang templo. Sa bahay ni Mama Susan mayroong mga nilalang na nakikita ng iilan lamang, gaya ni Jezel. Ang mga nilalang na ito ay tinatawag nilang mga kaibigan ni Mama Susan.  

 

Biyernes Santo, ika-26 ng Marso, sinasabi nilang patay na si Mama Susan. Madaling araw ng sabado santo nagising siya at narinig ang pagtawag sa kanya ni Mama Susan. Nakaupo sa kama at nakatitindig-balahibo ang itsura. Naroon din si Jezel na labis na ring natatakot sa kanyang nakikita. Bumaba sila ng hagdan sa sobrang takot hanggang sa makarating sila sa kwarto ni Galo. Kinahapunan, nagising na lamang siya nakita nya na punung-puno ang kapelya at nasa gitna ang katawan ni Mama Susan. Isinarado niya ang pintuan, kinatok siya ng kapatiran habang nagkakantahan at nagrorosaryo ang iba. Patuloy siyang nagsusulat sa kanyang diary, patuloy rin ang kanyang dasal habang napapansin niyang may mga titik na nadadagdag sa kanyang diary na hindi na siya ang nagsusulat.  

 

  1. V. REAKSYON AT MUNGKAHI 

Ito ang kauna-unahang nobela na aking nabasa, dahil hindi ko talaga hilig ang magbasa nang walang larawang nakikita, ngunit noong nagsimula na ako magbasa ay nawili rin ako. Sa unang parte ng libro ay nababagot na akong basahin yung libro kasi tungkol lamang ito sa talambuhay ni Galo bilang isang estudyante at ampon sa bahay. Wala masyadong aksyon maliban nalang sa iilang mga di pangkaraniwang pangyayari gaya ng tumatawag sa telepono ng kalagitnaan ng umaga, at bumubulong na hindi maintindihan. Minsan ay nananaginip si Galo tungkol sa babaeng nakaitim na sa tingin ko ay si Mama Susan.  

 

Pagdating naman sa kalagitnaang bahagi ng kuwento nang pumunta na sa probinsya si Galo, ay mayroon na siyang nararamdam na mga kababalaghan, at kung paano ito sulatin at bigyan ng deskripsyon ay nakakapangilabot nga naman basahin. Dito marami na akong nabuo mga katanungan, sapagkat madaming mga di pangkaraniwan sa tahanan ni Mama Susan gaya na nga lang ng mga rebulto niya. Mayroon din si Mama Susan mga binibigkas gaya ng “hindi ko anak ang nanay mo, hindi kita ako, ako si Mama Susan. Hindi ko una maintindihan ang gustong sabihin ni Bob Ong sa libro hindi mahilig magpaliwanag si Bob Ong.  

 

Sa dulong bahagi naman ng libro ay madami na ang nangyayari, gaya ng mga ritual at mga Latin na binibigkas nila tuwing nagkakaroon nang seremonya, nakakapangilabot nga naman basahin. Ang pinaka nakakatakot doon ay nang natulog si Galo tsaka Jezel sa kwartong katabi ng bangkay ni Mama Susan. Bigla bumangon ang bangkay ni Mama Susan at tinatawag si Galo, grabe yung kilabot ko naang mabasa ko iyon. Sinabayan pa ng pagsabi ni Jezel na may lolo sa likuran ni Galo at sabay nagtakbuhan sila pababa. Sa dulo naman nang kinakatok na nila yung kwarto ni Galo at habang nagsusulat siya sa libro, biglang may mga Latin na hindi naman niya isinulat ang lumitaw doon. Natakot ako basahin yung mga Latin kasi baka mayroon pa akong matawag na kung ano. Sa kabuoan ng libro siguro 8/10 kasi kinilabutan talaga ako, ngunit pag nagsasalita lang si Mama Susan eh minsan hindi ko maintindihan ang sinasabi. Ang magiging mungkahi ko lang sana para sa libro ni Bob Ong ay sana hindi niya masyado pinalalim ang paggamit ng salita ni Mama Susan, ngunit naiintindihan ko naman na matanda na si Mama Susan at ganoon magsalita ang ibang matatanda puno ng malalalim na salita.